Ginagalang ko na Dr. Jose,
Ngayon po ay araw ng paggunita ng kalayaan ng bansa nating minamahal mula sa mga kamay ng mga mananakop na banyaga. Ngunit ang kalayaang inyong hinahangad at pinagbuwisan ng buhay ay hindi pa rin lubos na tinatamasa. Ang bayan po natin ay bihag pa rin ng malubhang karamdaman na sumisira sa kalusugan ng ating bayan. Bilang isang doktor, inyo pong nakita ang kanser ng lipunan na sumisira sa ating lipunan upang maging tunay na malaya. Isang kanser na unti-unting na ngumingitngit sa katawan ng bayan upang sirain at gawing bulok ang kanyang laman. Ikinalulungkot ko pong sabihin na ang kanser na inyong pilit na pinagaling at pinagbuwisan ng buhay ay bumabalik at lalong lumalala. Higit pa rito, ang kanser ay nag-ibang anyo ngunit siya pa ring dahilan nang karamdaman ng ating bayan. Ang kanser po ng lipunan ngayon ay hindi lamang tagos hanggang buto kundi pati kaluluwa. Ang karamdaman ng lipunan ay nagmumula sa isang maling moralidad na nananahan sa karamihan ng mamamayan. Ang mga lider ng lipunan ay hindi na maaasahan. Mangilan-ngilan na lamang ang tuwid ang katayuan. Karamihan ay baluktot ang kanilang pamamaraan. Ang higit pa dito ay ang moralidad din ng taong bayan. Tila ba kami ay nasanay na sa baluktot at maling moralidad na bumabalot sa ating bayan na amin na itong pinababayaan. Ang hindi namin pakikialam at ang kawalan ng kagustuhan na labanan ang sakit at sirang moralidad ng bayan ang lalo pang nagpapakalat sa kanser ng lipunan. Dahil po dito ay hindi pa rin ganap na malaya ang ating bayan. Kailangan po naming ipagpatuloy ang paglaban sa kanser ng lipunan bago maging malubha ang kanyang karamdaman. Kailangan pa po naming ituloy ang inyong sinimulan upang ang ating bayan ay maging tunay na malaya sa kanser ng lipunan.
No comments:
Post a Comment